MANILA, Philippines – Naaresto ng mga otoridad sa isang entrapment operation ang dalawang pulis na itinurong nangidnap at humingi ng kotong sa isang negosyante sa Sta. Cruz, Maynila.
Ang dalawang suspek ay kinilalang sina PO1 Johnrey Bautista, 34, nakatalaga sa Northern Police District (NPD), residente ng Block 15, Lot 98, Phase 2, Area A, Dagat-dagatan, Malabon City at PO1 Ernesto Borleo Jr., kasalukuyang absent without Leave (AWOL) na nakatalaga sa NCRPO-Regional Police Holding and Accounting Unit (RPHAU) sa Bicutan, Taguig City at residente ng no.991 Int 10 Morong St., Manuguit, Tondo.
Batay sa ulat, bago nangyari ang pag-aresto sa dalawang pulis dakong alas-11:00 ng gabi sa entrapment operation kanto ng Rizal Avenue at Blumentrit, Sta. Cruz, Maynila ay nagtungo sa MPD headquarters ang biktimang si Clint Tality, 22, binata, ng 2247 Oroquieta St., Sta Cruz, Maynila kaugnay sa pagdetine sa kanya ng dalawang suspek sa loob ng isang araw.
Sa salaysay ng biktima, ala-1:30 ng madaling araw noong nakalipas na Miyerkules ay nasa harapan siya ng kanilang bahay nang dumating ang dalawang suspek na nagpakilalang mga pulis at puwersahang siyang pinosasan saka isinakay sa isang motorsiklo.
Humingi umano ang mga suspek sa pamilya ng biktima ng P40,000, subalit nagkaron ng negosasyon na umabot na lamang sa P6,500.
Inutusan ng biktima ang kaniyang kapatid na dalhin ang pera sa hindi natukoy na lugar at natanggap naman ng mga suspek ala-1:00 ng madaling araw.
Kahit na nagbigay na sila ng pera ay patuloy ang text ng mga suspek at kinumbinse na makipagkita kaya dito na humingi ng tulong sa mga otoridad na nagsagawa ng entrapment at naaresto ang mga suspek. Bukod sa mga suspek na sina PO1s Bautista at Borleo ay dalawa pang pulis ang sangkot na inaalam pa ang pagkakakilanlan.