Anak na adik ipinakulong ng ina, nagbigti sa selda

MANILA, Philippines – Nagbigti gamit ang sinturon sa selda ng barangay hall ang isang 22-anyos na lalaki na ipinakulong umano ng sari­ling ina dahil sa pagkagumon nito sa ipinagbabawal na droga na naganap kamakalawa ng gabi sa Brgy. San Lorenzo Ruiz 2, Dasmariñas City, Cavite.

Ang nasawi ay kinilalang si Manuel Pineda, 22, jobless, residente ng nasabing barangay.

Bago natagpuang nakabigti ang biktima dakong alas-11:00 ng gabi ay nagtungo ang ina ni Manuel na si Gng. Nelia dakong alas-2:00 ng madaling araw para ipahuli ang una sa barangay dahil sa nagwawala umano ito at nananakit sanhi ng matinding tama ng droga.

Matapos maaresto ng mga barangay ay ikinulong ang biktima sa selda at pansamantalang iniwan ng ina at ilang oras ang nakalipas ay nakita na ito ay nakabigti kaya’t dinala sa ospital, subalit hindi na ito umabot ng buhay.

Malaki ang hinala ng mga otoridad na tuluyan nang naburyong ang biktima kaya’t naisipan nitong magpakamatay.

Show comments