MANILA, Philippines – Nasawi ang tatlo katao kabilang ang dalawang guro habang 13 ang malubhang nasugatan matapos salpukin ng isang armored van ang isang pampasaherong jeep naganap kamakalawa ng gabi sa kahabaan ng Brgy. Sto. Cristo, San Jose Del Monte City ng lalawigang ito.
Idineklarang dead on arrival sa ospital sina Mylene Estrada, 38 ng Brgy. Bagong Buhay 3; Yolanda Tuico, 39 ng Brgy. Sto. Cristo, kapwa guro at Erjel Relox, 22, drayber ng jeep at residente ng Brgy. Minuyan IV sa nasabing bayan.
Ang mga nasugatan ay kinilalang sina Marissa Bezar, 50; Teresita Cada 54; Ma. Patricia Barnachea, 19; pawang taga Brgy. Kaypian, Elvira Macaraeg, 58; Rovie Voy Salud 28; Nenita Salud, 24; Danikka Torres, 20; pawang taga Brgy. Minuyan III; Carmela Maningas, 19; Carl Justin Tuico, 7, kapwa taga Brgy. Sto. Cristo; Rafael Banson, 17 ng Brgy. San Rafael; Jonna Asan, 25 ng Brgy. San Martin 1; Ramoncito Belga, 52 ng Brgy. Sto. Niño; at Vincent Panes, 26 ng Brgy. Minuyan IV pawang sa bayang ito.
Isang oras ang nakalipas bago nadakip ang drayber ng armored van na si Ryan Rey Bautista, 25, residente ng Brgy. Caingin, San Rafael.
Sa imbestigasyon, dakong alas-6:10 ng gabi binabagtas ng pampasaherong jeep (CWM-248) na minamaneho ni Relox ang kahabaan ng Quirino Highway, Brgy. Sto. Cristo papunta sa hilagang direksyon habang binabagtas din ng armored van (ZPS-348) ang kabilang direksyon.
Pagsapit sa palusong na bahagi ng Brgy. Sto.Cristo ay biglang nawalan ng preno ang armored van na naging dahilan upang banggain nito ang kasalubong na pampasaherong jeep.
Sa lakas ng bangga ay nayupi na parang lata ng sardinas ang unahan ng jeep kaya’t naipit sa upuan si Relox na tumagal ng isang oras bago ito tuluyang naialis.
Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide, multiple physical injuries at damage to properties ang drayber ng armored van.