MANILA, Philippines - Tuluyan nang pinatahimik ng isang mister ang kanyang misis nang ito ay kanyang barilin sa ulo sa gitna ng kanilang pagtatalo sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Sta. Catalina, Binalonan, Pangasinan kamakalawa ng gabi.
Sabog ang ulo at namatay noon din ang 27-anyos na ginang na si Merilyn Romero.
Ang suspek na mister nito na kinasuhan ng parricide ay kinilalang si Jeffrey Romero, 31-anyos, tricycle driver.
Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-8:00 ng gabi ay lasing na umuwi ng bahay ang suspek na sinita ng biktima kaya’t nagkaroon ng pagtatalo.
Kinuha ng suspek ang kanyang baril at tinutukan ng baril sa ulo ang kaniyang misis at kinalabit nito pero hindi pumutok matapos na bumara ang bala.
Sa ikalawang pagkakataon ay kinalabit muli ng suspek ang kaniyang baril at pumutok ito at duguang bumulagta ang nasabing misis.
Lumalabas sa imbestigasyon na madalas mag-away ang mag-asawa dahil sa pagiging lasenggero ng mister.
Nagresponde naman sa lugar ang mga operatiba ng pulisya at inaresto ang suspek kung saan nasamsam sa pag-iingat nito ang cal. 38 revolver na ginamit sa krimen.