MANILA, Philippines – Habambuhay na pagkabilanggo ang ibinabang hatol ng Quezon City Regional Trial Court sa suspek na pumatay sa ina ng aktres na si Cherry Pie Picache na si Zenaida Sison, 75, noong Setyembre 19, 2014.
Napatunayan ni Judge Alfono Ruiz na nagkasala ang akusadong si Michael Flores, houseboy ng biktima.
Pinagbabayad din ng korte si Flores ng P1, 245,000 halaga bilang danyos sa pamilya ng biktima gayundin ng P50,000 penalty bilang moral damages at P50,000 para sa civil indemnity.
Nagpapasalamat naman si Cherry Pie sa mabilis na paghatol ng korte sa akusado at pagbibigay ng hustisya sa kanyang ina.
Magugunita na si Flores ay naaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) noong Oktubre sa isang bahay sa Laguna sa tulong CCTV footages na nakuha sa crime scene.
Sa CCTV footages nakita ang short at t-shirt ng suspek narekober sa crime scene na nagpatibay ng ebidensiya laban kay Flores.
Inamin din ni Flores na unang plano niya ay pagnakawan lamang ang matanda, subalit nagtitili ito nang magising kaya’t sinaksak niya ito hanggang sa mapatay.
Agad din na nai-turn over si Flores sa Bureau of Jail Management and Penology.