MANILA, Philippines – Tatlo-katao ang nasugatan makaraang sumabog ang granada na inihagis ng mga hindi kilalang kalalakihan sa labas ng punerarya sa bayan ng Matalam, North Cotabato kahapon ng madaling araw.
Isinugod sa Cotabato Provincial Hospital sa Kidapawan City ang mga nasugatang sina Benito Samillano, 49; Bernie Cristobal, 34; at si Jeffrey Onoc, 23; mga nakatira sa Brgy. Kibodoc.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Alexander Tagum, North Cotabato PNP director na isinumite sa Camp Crame, dakong ala-1:25 ng madaling araw nang hagisan ng granada ang Collado Funeral Homes sa Barangay Poblacion.
Sumabog sa funeral service vehicle ang granada kung saan tinamaan ang mga biktima na kabilang sa nakikipaglamay sa burol ng namayapang kamag-anak.
Agad namang nagsitakas ang mga suspek na sinamantala ang pagkakagulo ng mga tao sa lamayan.
Pinaniniwalaang may kinalaman sa naganap na bugbugan may tatlong buwan na ang nakalipas.
Magugunita na nitong nakalipas na araw ay hinagisan din ng granada ang rotonda sa nasabing bayan kung saan lima-katao ang nasugatan.