MANILA, Philippines – Dalawang magsasaka, isang security guard at tatlo naman mula sa armed group ang napaslang makaraang lusubin ng mga bandido ang komunidad sa Sitio Saban, Brgy. Maybula sa bayan ng Tulunan, North Cotabato kahapon ng umaga.
Ayon kay P/Supt. Bernard Tayong, spokesman ng North Cotabato PNP, dakong alas-11:45 ng umaga nang lusubin ng mga armadong grupo ang pamayanan ng mga magsasaka na abala sa pagtratrabaho sa bukirin.
Gayon pa man, gumanti naman ng putok ang grupo ng inaatakeng mga magsasaka na nakipagbarilan sa armadong grupo na tinatayang aabot sa 100.
Sa nasabing bakbakan na tumagal ng dalawang oras ay napatay ang mga magsasakang sina Renato Tadiaque at Anthony Camiring.
Sa panig naman ng mga kalaban ay napatay ang tatlo sa mga ito na inaalam pa ang pagkakakilanlan at ang security guard ng banana plantation na si Loloy Lumacad.
Ayon naman sa isang opisyal ng pulisya sa nasabing bayan na ang umatakeng mga armadong kalalakihan ay mula sa grupo ng Muslim na lumusob sa pamayanan ng mga Kristiyano.
Ang insidente ay nagbunsod din sa paglikas ng 30 pamilya na naninirahan sa nabanggit na lugar.
Samantala, pinaniniwalaan namang alitan sa lupa ang motibo ng nasabing pag-atake habang patuloy ang imbestigasyon.