MANILA, Philippines – Nasakote ng pinagsanib na elemento ng militar at pulisya sa follow-up operation nitong Biyernes sa Jolo, Sulu ang isa pang kidnaper ng pinugutan ng ulong Malaysian hostage na si Kadaffy Muktadil alyas Kadaffy Camsa ng Sitangkai, Tawi-Tawi.
Ayon kay Brig. Gen. Alan Arrojado, Commander ng AFP Joint Task Group Sulu na si Kadaffy ay nasakote sa Jolo Integrated Provincial Hospital dakong alas-11:00 ng umaga sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte kaugnay nang pagdukot sa dalawang Malaysian national kabilang ang pinugutan ng ulong si Engineer Bernard Ghen Ten Fen.
Magugunita na unang nasakote si Saddam Jailani bandang alas-2:40 ng hapon at matapos isailalim sa interogasyon ay nagkaroon ng lead ang mga operatiba para sumunod na masakote si Kadaffy.
Si Fen ay pinugutan ng ulo ng mga bandido noong Nobyembre 17 na itinaon sa Asia Pacific Cooperation (APEC) Summit 2015 sa Manila matapos na mabigo naman ang pamilya nito na bayaran ang balanseng P40 M ransom mula sa demand na P100 M.