Sanggol ni-rape ng tatay

MANILA, Philippines – Tila wala sa katinuan nang pag-iisip ang ginawa ng isang ama sa kanyang 5 buwang gulang na sanggol nang ito ay kanyang gahasain sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Culianan, Zamboanga City.

Ang suspek na agad naaresto ng pulisya dakong alas-3:40 ng hapon ay kinilalang si Rolly Tapic, 39, jobless at residente ng Zone 1, Brgy. Culianan ng lungsod.

 Sa imbestigasyon na noong Miyerkules ng gabi habang pinapalitan ng diaper ni Evangeline Fernandez, live in partner ng suspek ang kaniyang sanggol na itinago sa pangalang Baby Janica ay napansin nitong nagdurugo at may malalim na sugat sa ari ang anak.

Halos hindi tumitigil sa pag-iyak  ang sanggol na iniinda ang tinamo nitong sugat at bukod dito ay nilalagnat pa ito.

Kinabukasan ay dumulog sa Women’s and Children’s Protection Unit ng Zamboanga City Police ang ginang upang makumpirma ang kaniyang hinala sa posible umanong hindi magandang ginawa ng kaniyang live-in partner sa anak.

Sa pagsusuri ng medico legal expert ng Zamboanga City Medical Center ay lumitaw naman na positibong nagtamo ng perihymenal erythema ang sanggol o malaking sugat sa ari sanhi ng rape.

Nagsagawa ng ope­rasyon ang pulisya at inaresto ang suspek na nabatid na naiiwang nag-alaga sa sanggol habang naghahanapbuhay ang misis nito nang gawin ang panghahalay.

Ang suspek ay nakatakdang isailalim sa drug test ng mga otoridad  upang mabatid kung nagdodroga ito.

Show comments