MANILA, Philippines – “Hindi umano maaapektuhan ang relasyon ng Pilipinas at ng Amerika sa naging hatol ng korte kay US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na nakapatay sa transgender na si Jennifer Laude.
Ito ang tiniyak ni Senate President Franklin Drilon na dahil ang krimen ay ginawa ng isang indibiduwal sa loob ng teritoryo ng Pilipinas at nararapat lamang na igalang at irespeto kung ano ang nasasaad sa batas at inaasahan niyang irerespeto ng Amerika ang desisyon ng korte kay Pemberton.
Naniniwala rin si Drilon na naging patas ang korte sa pagpapataw ng desisyon base sa mga batas na umiiral sa bansa.
Pinuri ni Drilon ang Olongapo Regional Trial Court dahil sa pagbaba ng hatol na hindi umabot sa isang taon.