MANILA, Philippines – Buo pa rin ang suporta at hindi aalis si Pambansang Kamao at Sarangani Representative Manny Pacquiao sa senatorial slate ni Vice President Jejomar Binay kahit na opisyal nang nag-file ng kandidatura sa pagkapangulo si Davao City Mayor Rodrigo Duterte kahapon.
Ito ang ipinahayag ni Pacquiao nang i-welcome si Binay at mga kasama nito sa Gensan airport.
Sinamahan ni Pacquiao si Binay sa Barangay Colon, Maasim para sa pagpapasinaya ng ika-4th Council Jamboree of the Boy Scouts of the Philippines.
Una nang dinepensahan ni Pacquiao si Binay sa mga akusasyon ng korapsyon na kinakaharap ng huli na iniimbestigahan sa Senado.
Ayon kay Pacquiao na ang tunay na lider ay nakapokus kung ano ang pangangailangan ng mga tao at ang tunay na lider ay hindi gagamit ng ibang tao upang tumaas lang ang tsansa na manalo sa mataas na posisyon.
“Ngayon pa lang, nakikita natin ang kanyang tulong sa ating province, lalo na sa mga pabahay na ibibigay, hindi lamang dito kundi sa buong region 12.”Alam niyo rin po si Vice President Binay nanggaling din sa hirap. Kapag siya ay naupo, maiintindihan niya ang kalagayan ng karamihan ng ating kababayan. Kaya ako ay naniniwala na kapag siya ay naupo, malaki ang maitutulong niya,” wika ni Pacquiao.
Nabanggit na rin dati ni Binay na hindi siya iiwan ni Pacquiao kahit na ito ay nililigawan ng Liberal Party para makasama sa senatorial slate ng partido.
Bago ito ay may umuugong ng balita na nais ni Duterte na isama si Pacquiao sa senatorial slate,subalit nakapangako na ang huli kay Binay sa partido nitong United Nationalist Alliance (UNA).