MANILA, Philippines – Walong terorista na karamihang nakipagalyansa sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ang napaslang sa umaatikabong pakikipagbakbakan sa tropa ng Philippine Marines sa bayan ng Palimbang, Sultan Kudarat kahapon ng umaga.
Ayon kay Major Filemon Tan Jr., spokesman ng AFP-Western Mindanao Command, ang mga suspek ay miyembro ng Ansar Al Khalifa na terror cell na kaalyado ng IS na nag-o-operate sa Syria at Iraq.
Ang grupo ay ipinangalan sa founder ng mga itong si Ansar Al Khalifa na binuo sa Sarangani.
Bandang alas-5:40 ng umaga nang makasagupa ng militar ang teroristang grupo sa liblib na bahagi ng Sitio Sinapingan sa Barangay Butril sa nasabing bayan.
Sa clearing operation ng militar, kabilang sa mga narekober na bangkay ay ang Indonesian terrorist na si Abdul Fatah na jihadist regional terror group ng Jemaah Islamiyah (JI) terrorist.
Narekober sa pinangyarihan ng bakbakan ang isang Barrette call 50 sniper rifle, isang M16 rifle, isang cal. 45 pistol, isang ICOM radios at 5-piraso ng bandila ng ISIS.
Napaulat na tatlong Syrian national na miyembro ng ISIS ang sinasabing nakapuslit sa bansa at sumapi sa Khalifa Group.
Samantala, huling namataan ang tatlong Syrian terrorist sa Central Mindanao na kasama ng grupo ni Amin Bako, notoryus na bomber ng JI terrorist.