MANILA, Philippines – Sa ikalimang pagkakataon ay muling nagsagawa ang Bureau of Corrections (BuCor) ng “Oplan Galugad” operation sa Maximum Security Compound ng New Bilibid Prison (NBP) Muntinlupa City kahapon ng umaga.
Sinabi ni NBP Superintendent Richard Schwarzkopf, alas-5:00 ng umaga nang salakayin at suyurin ng pinagsanib na pwersa ng BuCor at Explosive Ordnance Disposal ng Philippine Army ang building 1 at 2, na nasa Quadrant 4 sa loob ng Maximum Security Compound na may 1,000 bilanggo.
Gumamit ng mine at metal detectors ang raiding team upang matukoy ang mga nakabaong kontrabando na halos may limang oras ang naging operasyon.
Muling ginalugad ang mga selda ng pangkat ng Batang City Jail, Sigue-Sigue Sputnik, Commando Gang at Genuine Ilocano Group (GIG) at muling nakasamsam ng iba’t ibang uri ng appliances, electronic gadgets, isang kalibre 45 baril, improvised shotgun, assorted na mga bala, cellphone, mga droga na pampagana sa sex at mga improvised na patalim.
Nakakumpiska din sa selda ng Sigue-Sigue Sputnik at Commando Gang ng chop-chop na parte ng mga motorsiklo at 11 bote ng mamahaling alak na nakalagay sa alulod na yero para hindi mahalata.
Magkakabit na ng fish net sa mga bakuran ng NBP upang maiwasan ang paghahagis ng mga bilanggo ng mga kontrabando.
Bukod dito, nagdagdag na rin ng CCTV camera sa loob at labas ng buong bisinidad ng NBP.