Tomador inutas sa inuman

MANILA, Philippines - Napatay ang 25-anyos na lalaki matapos itong barilin ng kaniyang pinagplanuhang patayin nang komprontahin ito sa inuman sa Malate, Maynila kahapon ng madaling araw.

Hindi na umabot ng buhay sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Roy “Yoyong” Somido na pansamantalang nanunuluyan sa Leveriza Street, Malate, Maynila.

Nagtatago na ang suspek na si Michael Poche, 25, ng #2242 Leveriza Street sa Malate.

Sa ulat ni SPO2 John Charles Duran ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang krimen dakong ala-1:40 ng madaling araw sa labas ng bahay ni Romy Holasco, kasamahan sa trabaho ng biktima.

Habang nag-iinuman ang biktima at Holasco ay dumating ang suspek upang komprontahin ito kaugnay sa natunugang plano na siya ay papatayin.

Sumiklab ang matinding pagtatalo hanggang sa umalis ang suspek kung saan sa pagbabalik ay may hawak na baril at ipinutok sa dibdib ng biktima.

 

Show comments