MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa 11-sibilyan ang nasugatan makaraang sumabog ang dalawang Granada na inihagis ng mga di-kilalang lalaki sa isinagawang concert sa provincial kapitol ng Sultan Kudarat kasabay ng selebrasyon ng Kalimudan Festival, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga mga sugatang naisugod sa ospital na sina Abix Mamansuan Sandigan, 33, ng Poblacion Buluan, Maguindanao; Regine Simsim, 40, ng Brgy Lagilayan; Darius John Padilla, 6; Jasper Linda, 11; Baltazar Linda, 49; Cenilia Linda, 45, mga nakatira sa Brgy. Bambad sa bayan ng Isulan; Sahid Salindab, 27; Ann Janeth Latip Salindab, 2, mga nakatira sa Brgy. Poblacion; Michael John Cinco, 20, ng Brgy. Kalawag 1; Lilibeth Perolino, 45, ng Brgy. Bambad Isulan; at ang kritikal naman ang kalagayan na si Almasir Ibrahim, 22.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na pasado alas-8 ng gabi nang sumabog ang dalawa sa tatlong granada na inihagis ng mga di-kilalang kalalakihan malapit sa pump machine ng gasolinahan malapit sa kapitolyo.
Samantala, natagpuan sa likuran ng mga naka-file na soundbox na gagamitin para sa concert ang isa pang granada na hindi sumabog.
Pinaniniwalaang pananabotahe sa selebrasyon ng Kalimudan Festival na magtatapos ngayong araw ang isa sa motibo ng pagpapasabog.