Tindera inararo ng kotse sa bangketa

MANILA, Philippines – Namatay pagkalipas ng humigit-kumulang na limang oras ng pakikipag­laban sa kamatayan ang isang tindera na inararo ng isang kotse habang nagtitinda sa bangketa kahapon ng madaling araw sa MacArthur Highway, Caloocan City.

Nagtamo ng iba’t ibang pinsala sa katawan kabilang ang pagkaputol ng kaliwang paa ng biktimang si Carmelita Jakosalem, 55, balo, at residente ng East Riverside, Brgy. Potrero, Malabon City.

Nasa kostudya na ng pulisya ang mga driver na sina Fredel Odena, ng Tiaong, Guiguinto, Bulacan, tsuper ng Toyota Vios (WIQ-664) at Ronald Neri, ng No. 1 Scout Tobias Street, Roxas District, Quezon City, at tsuper din ng Toyota Vios (TXZ-719).

Batay sa ulat, bago nangyari ang insidente dakong alas-3:12 ng madaling araw sa northbound lane ng MacArthur Highway kanto ng Calle 4 tapat ng isang funeral home ay binabagtas ng dalawang kotse ang naturang highway patungo sa direksyon ng Valenzuela.

Dito ay nabundol ni Neri ang kotse ni Odena, subalit sa halip na huminto ay dumiretso ang kotse ng una sa bangketa na kinaroroonan ng biktima at nasalpok ito.

Sinaklolohan ng mga tauhan ng Department of Public Safety and Traffic Management (DPSTM) ang biktima at isinugod sa Manila Central University Hospital ngunit nalagutan din ito ng buhay dakong alas-9:44 ng umaga.

Show comments