MANILA, Philippines – Dead-on-the-spot ang isang tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) nang tambangan at pagbabarilin ng isang lalaki na angkas sa motorsiklo kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Ang nasawi ay kinilalang si Jail Officer 1 Marwan Christopher Arafat, 27, binata, residente ng Tanigue Street, Dagat-Dagatan, ng naturang lungsod at nakatalaga sa Caloocan City Jail.
Nasugatan naman nang tamaan ng ligaw na bala sa kaliwang balikat ang 76-anyos na si Enerejo Silorico, balo, at residente ng Libis Espina Street, Brgy. 18, ng lungsod.
Ang mga suspek ay tumakas patungo sa direksyon ng Malabon City na lulan ng isang itim na Yamaha Mio na hindi naplakahan.
Sa ulat, dakong alas-6:25 ng gabi ay binabagtas ni Arafat lulan ng kanyang motorsiklo ang Tamban Street sa Brgy. 18 nang biglang dikitan ng mga suspek na nakamotorsiklo at agad na binaril ito. Nang bumagsak ang biktima ay muling pinagbabaril ito ng mga salarin para masigurong patay na bago mabilis na tumakas.