MANILA, Philippines – Natagpuan na ang pugot na ulo ng Malaysian hostage na pinaslang ng kaniyang mga abductors na mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa Brgy. Taran, Indanan, Sulu nitong Martes ng hapon.
Ang pugot na ulo ay sa biktima na kinilalang si Bernard Ghen Ted Fen, 39, engineer.
Kinumpirma ng opisyal na nakita ng tropa ng mga sundalo na gumalugad sa lugar ang ulo ni Fen na tadtad ng mga taga na itinapon sa damuhan ng kaniyang mga abductors.
Ang pamumugot ng ulo kay Fen ay sa gitna na rin ng pagdalo sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Manila ni Malaysian Prime Minister Najib Razak.
Kasalukuyan namang pinaghahanap ng security forces ang katawan ni Fen na umano’y inilibing na ng mga bandido may ilang metro mula sa lugar kung saan ito pinugutan ng ulo.
Ang biktima ay pinugutan ng ulo matapos bumagsak ang negosasyon nang tumanggi ang pamilya nito na magbayad ng P40-M ransom na naibaba sa P30-M sa mga bandidong Abu Sayyaf kapalit ng kalayaan ng una.
Si Fen ay binihag ng mga bandido kasama ang restaurant manager na si Thien Nyuk Fun sa Ocean King Seafood Restaurant sa Sandakan, Sabah, Malaysia noong nakalipas na Mayo 15 ng taong ito at pinalaya nitong Nobyembre 8, 2015 si Fun matapos makapagbigay ng milyon ransom.