MANILA, Philippines - Isang pulis na nakatalaga sa Valenzuela police station-warrant section ang naaresto sa isang entrapment operation ng mga kabaro matapos ireklamo ng umano’y pangongotong ng isang sekyu.
Ang naarestong suspek ay kinilalang si PO3 Gerry Pajares, 44, naninirahan sa Block 15, Lot 11, Section 15, Phase 2, Pabany Muzon, San Jose Del Monte, Bulacan.
Ang pag-aresto sa suspek ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Criminal Investigation Detection Unit (CIDU) ng QCPD ay bunga ng reklamo ng isang Bernardo Altes, 40, may-asawa, ng No. 42-Maysan Road,Valenzuela City.
Sa reklamo ng biktima, na hinihingan umano siya ni PO3 Pajares ng halagang P5,000.00 matapos na ipabatid sa kanya na mayroong siyang warrant of arrest sa kasong act of lasciviousness na isinampa ng hindi na nito pinangalanang complainant, ilang buwan na ang nakakalipas.
Pero, ang pagkakaalam ng biktima ay hindi na itinuloy ng hindi pinangalanang babae ang kaso laban sa kanya.
Sa takot na makulong ay nagsabi sa kanya ang suspek na magbigay ng P5,000.00 para pang areglo.
Nagbigay ang biktima ng P5,000, subalit matapos ay muli umanong nag text si PO3 Pajares nitong Nov. 15, 2015 at humingi muli ng dagdag na P2,600.00 para umano sa pag-aayos naman sa warrant of arrest ng biktima.
Nakahalata na ang biktima na kinokotongan siya ng suspek kaya’t humingi na ito ng tulong sa mga otoridad at inilatag ang entrapment operation at dinakip ang pulis sa aktong tinanggap ang nasabing halaga.