Mga kalye isasara dahil sa APEC

MANILA, Philippines – Sarado na sa mga motorista ang mga kalye sa Maynila na maapektuhan ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders Meeting ngayong Lunes hanggang Biyernes.

Sa traffic advisory ng Manila District Traffic Enforcement Unit at ng Manila Traffic Parking Bureau, lahat ng kalsada na patungong Philippine International Convention Center (PICC) kung saan idaraos ang APEC Summit ay isasara simula alas-12:01 ng madaling araw ng Lunes hanggang alas-12 ng madaling araw ng Biyernes.

Kabilang sa mga kalsadang isasara ay ang kahabaan ng Roxas Boulevard pa-north at southbound lane mula Katigbak hanggang P. Ocampo.

Sa Roxas Boulevard service road mula Sta. Monica Street hanggang P. Ocampo sa kahabaan ng Quirino A­venue mula Roxas Boulevard hanggang Adriatico Street.

Sarado rin ang Century Park Street simula Adriatico hanggang Mabini Street at ang kahabaan ng Mabini Street mula P. Ocampo hanggang Quirino Avenue.

Maging ang southbound lane ng Adriatico Street mula Quirino Avenue hanggang Century Park Street ay hindi rin muna madaraanan.

Gayundin ang kahabaan ng P. Ocampo mula Adriatico hanggang Roxas Boulevard.

Apektado rin sa daloy ng trapiko ang kahabaan ng MH del Pilar Street mula Sta. Monica Street hanggang Malvar Street at ang kahabaan ng Pedro Gil Street mula Roxas Boulevard hanggang Mabini Street.

Sa traffic re-routing scheme ng MDTEU, nabatid na lahat ng sasakyang mula northern part ng Manila/Pier zone na gagamit ng southbound lane ng Roxas Boulevard ay dapat kumaliwa sa P. Burgos, kanan sa Ma. Orosa, o Taft Avenue patungo sa kanilang destinasyon.

Ang mga sasakyan namang mula southern part ng Manila na nais dumaan sa northbound lane ng Roxas Boulevard ay dapat kumanan sa Buendia, kaliwa sa Taft Avenue patungo sa destinasyon habang ang mga gagamit ng P. Ocampo mula Taft Avenue ay dapat kumanan sa Adriatico, kanan sa Leveriza hanggang Quirino Avenue patungo sa destinasyon.

Hindi rin papayagan ang mga sasakyan sa service road ng Roxas Boulevard na mag-park mula T. M. Kalaw hanggang President Quirino Avenue.

Show comments