MANILA, Philippines – Ipinangako ni Department of Transportation and Communications Secretary Joseph Emilio Abaya na magpapadala siya ng sulat para sa amo ni Gloria Ortinez, ang overseas Filipino workers na 26 taong nagtrabaho sa Hong Kong na isa sa mga naging biktima ng tanim-bala scam sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa ginawang hearing ng Senado ay tinanong ng overseas Filipino workers advocate Toots Ople kung wala bang manghihingi ng “sorry” sa mga opisyal ng gobyerno sa nangyari kay Ortinez na pati trabaho sa Hong Kong ay naapektuhan at walang kasiguraduhan kung muli pa siyang tatanggapin ng kanyang amo.
Magugunita na hindi nakabiyahe patungong Hong Kong si Ortinez noong Oktubre 25 matapos mahulihan umano ng bala sa kanyang bagahe.
Inamin naman ni Abaya sa pagdinig na simula pa noong makarating sa kanyang kaalaman ang nangyari kay Ortinez, naniniwala siya na wala itong kasalanan.
Kaya’t magpapadala ng sulat si Abaya sa amo ni Ortinez upang linisin ang pangalan nito mula sa kinasangkutang kaso sa airport.
Inamin rin ni Abaya na may pagkukulang ang gobyerno sa isyu ng tanim-bala.