MANILA, Philippines – Isang ina ang nasawi habang ang anak nito ay malubhang nasugatan matapos na sila ay pagsasaksakin ng kanilang kapitbahay na naingayan sa kantahan nila sa karaoke kamakalawa ng gabi sa Brgy. Sampaloc 4, Dasmariñas City, Cavite.
Ang biktima na nasawi habang ginagamot sa ospital dahil sa saksak sa dibdib ay kinilalang si Neria Recilla, 48, habang malubhang nasugatan dahil sa saksak sa kaliwang hita ang anak nitong si Elpidio Recilla, 27, kapwa residente ng Blk 70, Lot 36, Zone 8, Bautista Property ng nasabing lungsod.
Agad nadakip ang suspek na si Diogenes Salaudin, 63, may-asawa, kapitbahay ng mag-inang biktima.
Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-6:00 ng gabi ay masaya umanong nagkakantahan sa karaoke ang mag-ina kasama ang ibang kamag-anak sa kanilang bahay.
Ilang sandali ay lumapit ang suspek at pinagsabihan ang mag-ina na masyado umanong malakas ang kanilang karaoke at nakakaistorbo.
Dito na nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng suspek at mga biktima hanggang sa kumuha ng patalim ang una at sinugod nang saksak ang mag-ina.