Arayat massacre: 4 todas

MANILA, Philippines – Apat katao kabilang ang dalawang tinedyer ang nasawi habang tatlo pa ang nasugatan matapos na paulanan ng bala ng hindi pa nakilalang mga armadong kalalakihan habang nag-iinuman sa isang lugar  sa Brgy. San Juan Bano, Arayat, Pampanga kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang mga nasawi na sina Jerry Calma, 23; Ronald Allan Lumbang, 23 at ang dalawang tinedyer  na sina Nelson Soriano at Reymart Lampasa; pawang 17-anyos.

Tatlo sa mga biktima ay pawang dead on the spot sa insidente habang dead on arrival naman sa pagamutan si Lampasa.

Isinugod naman sa Arayat District Hospital ang mga nasugatang sina Billy Pineda, 24; Aljon Manlapat , 20 at Aljon Lumbang  na patuloy na inoobserbahan sa maselan ng mga itong kalagayan.

Sa ulat ni Sr. Supt. Rodolfo Recomono, Pampanga Provincial Police Office (PPO) Director, bago naitala ang insidente sa  nasabing lugar dakong alas-8:00 ng gabi ay kasalukuyan nag-iinuman ang mga biktima nang pagbabarilin ng tatlo sa mga armadong suspek na bigla na lamang sumulpot sa lugar habang isa naman sa mga ito ang nagsilbing lookout sa krimen.

Nabatid pa na ang mga biktima ay mga supporters umano ni dating Arayat Mayor Chito Espino kung saan ang nasabing bayan ay kabilang sa hotspot sa tuwing sasapit ang eleksyon.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang mga basyo ng bala ng M16 rifles at patuloy pa ang imbestigasyon sa motibo ng krimen.

Show comments