MANILA, Philippines - Sa ikalimang pagkakataon ay muling sinampahan ng disqualification case si Senador Grace Poe bunsod na rin ng pagtakbo nito sa presidential elections sa 2016.
Ang ikalimang disqualification case ay inihain ni University of the East’s College of Law Dean Amado Valdez sa Commission on Elections (Comelec) law department.
Sa 22 pahinang petisyon ni Valdez nakasaad na hindi umano nakapasa sa residency requirement si Poe, dahil kung pagbabatayan ang kanyang inilagay na haba ng residency sa Pilipinas sa kanyang COC sa pagka-senador noong 2012 lumalabas na nine years and six months pa lamang ang kanyang pananatili sa Pilipinas sa May 2016 na kapos ng anim na buwan para makamit ang requirement na sampung taon.
Kung pagbabatayan naman ang RA 9225 o Citizenship retention and Reacquisition Act, lalabas na naibalik lamang kay Poe ang kanyang Filipino citizenship, subalit hindi ang pagiging natural-born citizen.
Kahit mapatunayan ni Poe na siya ay natural born, nawala na iyon nang bitawan niya ang pagkamamayan ng bansa.
Una nang naghain ng diskuwalipikasyon sina presidential aspirant Rizalito David, dating DOJ prosecutor Estrella Elamparo, dating Senador Francisco ‘Kit’ Tatad at De La Salle University political science professor Antonio Contreras.