MANILA, Philippines – Nananatili pa rin kalat ang sakit na malaria sa lalawigan ng Palawan, kasabay ang pagdiriwang ngayong buwan ng Malaria Awareness.
Sa ulat ng DOH-MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan), na pinamumunuan ni Regional Director Eduardo Janairo, nakapagtala sila ng kabuuang 345 malaria cases sa rehiyon mula Enero 1 hanggang Nobyembre 1, 2015.
Ang Palawan ang may pinakamataas na kaso ng malaria matapos na makapagtala ng 336 kaso, kabilang ang limang patay habang may tig-dalawang kaso naman ang Occidental Mindoro at Oriental Mindoro.
Karamihan aniya sa pinakaapektado ng sakit ay ang nasa age group na 1-10 taon na may 114 kaso habang marami ang nabiktima sa age groups na 11-20 (79 kaso); 21-30 (44); 31-40 (35); 41-50 (35) at 50-pataas (28).
Ayon sa DOH, ang malaria ay isang sakit na nakukuha ng tao mula sa kagat ng lamok, o infected na babaeng Anopheles mosquito, tuwing gabi. Nakamamamatay ito kung pababayaan kaya’t payo ng DOH na gumamit ng kulambo, mosquito repellants at katol upang di makagat.