MANILA, Philippines – Inilarawan ng United Nationalist Alliance (UNA) na isang nakakahiya ang bagong lumabas na survey report na kung saan ay nasa 3.5 milyon pamilyang Pinoy ang nakakaranas ng gutom.
Sinabi ni UNA spokesperson Mon Ilagan na ang nakakagulat na pag-angat ng insidente ng nararanasang gutom na iniulat ng SWS para sa 3rd quarter ng 2015 ay sumasalamin sa umano’y manhid ng Aquino Administration sa kabila ng mga pahayag nito na kanyang lulutasin ang nararanasang gutom ng mga mahihirap na Pinoy sa pamamagitan ng kanyang iba’t ibang programa at inisyatibo na wakasan ito.
“May isang salita na naglalarawan sa paglaki ng bilang ng mga pamilyang Filipino na nararanasan ang pagpapabaya ng pamahalaan:Nakakahiya. Ang gutom ay umabot na sa nakakahiyang kalagayan. Sadyang laganap ang gutom at kahirapan sa harap ng bilyun-bilyong pisong inilaan ng gobyerno sa iba’t ibang programa,” wika ni Ilagan.
Ang nasabing SWS survey na kinomisyon ng BusinessWorld ay nagpapakita na ang gutom ay tumaas mula 12.7% sa 2ndquarter hanggang 13.5% sa 3rd quarter ng taong 2015.
“After nearly six years, people are asking: Is the Administration really doing enough to address hunger and poverty? Where are the marked improvements that this government claims? Nasaan ang sinasabing inclusive growth? It is ironic that hunger persists in what this Administration claims of having a growing economy,” dagdag ni Ilagan.
Sinabi pa na ang kawalan ng trabaho at kagutuman ang pangunahing sangkap ng kahirapan, at ang pagtaas ng bilang ng mahihirap ay nasa Aquino administration.
Sinabi pa ng UNA na ang pinakamalaking pagkakamali ng administrasyon ay ang kabiguang ayusin ang moral issue sa kahirapan.
“Laganap ang mga pamilyang hikahos sa buhay na kinakaharap sa araw-araw ang kawalan ng makain, habang patuloy na yumayaman ang iilan” pagwawakas ni Ilagan.