Ginagawang gusali, nasunog

MANILA, Philippines – Tinupok ng apoy ang isang gusali na ginagawa pa lamang sa Pasig City kahapon ng hapon.

Ayon kay Sr. Supt. Samuel Tadeo, hepe ng Bureau of Fire Protection,  ang sunog ay nagsimula dakong alas-1:38 ng hapon sa stock room sa basement II ng ginagawang Avantgard Building na matatagpuan sa Julio Vasgas St., Meralco Avenue, Ortigas Center, Pasig City.

Lumikha ng masikip na daloy ng trapiko ang nasabing sunog hanggang tuluyang isara sa mga motorista sa kahabaan ng Meralco Avenue. Ilang pagsabog ng LPG, Acetelyn tank at naka-imbak na pintura ang naririnig ng mga bumbero.

Umabot ng ika-apat na alarma ang sunog bago idineklarang under control dakong alas-4:44 ng hapon.

Hindi pa mabatid ang pinagmulan ng apoy at wala namang naiulat na nasawi o kaya’y nasaktan sa nasabing sunog.

Show comments