MANILA, Philippines – Nawalan ng tirahan ang may 45-pamilya at nasa P1.5 milyong halaga ng ari-arian ang napinsala matapos masunog ang 15-kabahayan sa Barangay 172, Zone 17 sa Malibay, Pasay City kamakalawa ng gabi.
Sa report ni Pasay City Fire Marshal Chief Inspector Douglas Guiyab, bandang alas-6:30 ng gabi nang magsimula ang sunog sa inuupahang bahay ni Mary Goto sa #829 E. Santos Street na pag-aari ni Grace Aquino.
Nabatid na bigla na lamang nagliyab ang bahagi ng kusina hanggang sa kumalat ang apoy sa mga kalapit-bahay nito na gawa lamang sa light materials.
Tinupok ng apoy ang 15 kabahayan ng 45 pamilya kung saan aabot sa P1.5 milyong halaga ng ari-arian ang nasunog.
Nahirapan ang mga bumbero na maapula ang apoy dahil sa mga kalsadang maliliit kung saan umabot sa ikaapat na alarma ang sunog.
Bandang alas-10:24 ng gabi nang tuluyang maapula ang apoy kung saan wala naman naiulat na namatay.
Patuloy naman ang mupping operation upang masigurong ligtas na ang residente habang isinasagawa ang imbetigasyon.