MANILA, Philippines – Napatay ng mga tauhan ng Caloocan City Police ang isang miyembro ng carnapping group habang tatlong iba pa ang naaresto nang salakayin ang pinagkukutaan nito kahapon ng madaling araw sa lungsod.
Ang nasawing suspek ay kinilalang sina Berlin Del Rosario, 22, habang nasakote ang mga kasamahang sina Benjelito Santos, 38; Ronnie Santos, 48; at Rolly Magno, 51.
Batay sa ulat, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang lusubin ng nagsanib na puwersa ng Caloocan Anti-Carnapping Unit at Criminal Investigation and Detection Group ang kuta ng grupo sa may No. 4239 Admin Site, Brgy. 186 Tala para ihain ang warrant of arrest laban kay Del Rosario.
Naispatan ng mga suspek ang mga pulis kaya’t pinababaril ang mga ito na masuwerteng walang tinamaan.
Gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng suspek habang hindi na nanlaban ang tatlo pang kasama.
Nakumpiska ng mga pulis sa loob ng bahay ang isang granada, isang kalibre .38 rebolber na baril, isang kalibre .22 pistol, pen gun at sari-saring mga bala.
Narekober rin ang isang SYM motorcycle (9620-PV), isang itim na SYM motorcycle (1677-TS), at dalawa pang motorsiklo na tsinap-tsap na.