Ubusan ng angkan: 5 utas

MANILA, Philippines – Limang katao na magkakapamilya ang nasawi matapos na pagbabarilin habang sakay ng sasakyan ng mga suspek na hinihinalang kalaban ng kanilang angkan kamakalawa sa highway ng Brgy. Dulangan, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Kinilala ang mga nasawing  biktima na sina Bai Lilang Ayunan, Pink Rose Ayunan, Shoam Ido,4 anyos; Babyboy Pasawiran at isang alyas Kago; pawang ng Brgy. Kalanganan, Cotabato City.

Dalawa ang malubhang nasugatan na kinilalang sina Norhana Ayunan at Pabu Ayunan na dinala sa Notre Dame Hospital.

Batay sa ulat, dakong alas-4:45 ng hapon ay lulan ang mga biktima  ng kulay maroon na Toyota Innova (YA 3539 ) nang tambangan ng mga armadong suspek sa nasabing lugar.

Mabilis na nagsitakas  lulan ng hindi pa natukoy na uri ng behikulo patungo sa direksyon ng Cotabato City.

Sa teorya ng mga otoridad na rido ang pinaniniwalaang motibo ng krimen.

Show comments