Ilang flights sa Mindanao, kinansela ,2 todas sa haze ng Indonesia

MANILA, Philippines - Bulagta ang dalawang sibilyan dahil sa acute asthma attack na pinaniniwalaang may kaugna­yan sa nararanasang haze o usok na nakalalason mula sa forest fire sa Indonesia.

Sa pagsusuri ni Dr. Antonietta Odi, medico-legal officer ng City Health Office, bigla ang pagkamatay ng dalawang pasyante base sa kanyang ginawang post-mortem examination.

Binawian ng buhay ang dalawa habang nararanasan ng Rehiyon 12 ang haze o nakakalasong usok mula sa bansang Indonesia.

Kaagad namang nag­labas ng health advisory ang Department of Health para sa mga apektado ng haze sa Mindanao.

Nagpaalala rin ang DOH na mapanganib ang usok lalo na sa mga bata at matatanda na mayroong asthma at cardiovascular diseases.

Hinimok naman ng ahensiya ang mga residenteng apektado na gumamit ng dust mask sa labas ng bahay at umiwas sa mga physical activities lalo na sa mga heavy polluted areas.

Samantala, ilang flights naman ng eroplano na patungo at paalis ng Mindanao ang kinansela dahil sa haze o usok na nakalalason mula sa nasusunog na kagubatan ng Indonesia.

Nakipagpulong na ang mga opisyal ng Civil Aviation Authority of the Philippines at Department of Environment and Natural Resources sa Pagasa upang pag-usapan ang sinasabing haze na gumagapang sa ere ng Kamindanawan.

Sa pahayag naman ni Roy Jumawan ng Pagasa, napagkasunduan na huwag munang payagan na makalipad ang mga eroplano sa Awang Airport sa Cotabato City, Maguindanao para sa kaligtasan.

Lumilitaw sa monitoring ng mga awtoridad na lumawak na ngayon ang epekto ng haze sa Northern Mindanao, Caraga Region, at Southern Mindanao.

Sinabi naman ni Edgar Cueto, air traffic control officer ng General Santos Airport, kinasela na rin ang ilang biyahe ng eroplano dahil sa halos zero visibility na dulot ng haze.

Ilang biyahe ng Cebu Pacific mula Manila patungong General Santos ay nag-divert sa Davao City.

Gayon pa man, ma­raming pasahero ng Cebu Pacific flights ang nagre­reklamo dahil sa pagkansela ang kanilang biyahe patungong Manila.

Show comments