MANILA, Philippines - Ibinasura ng Sandiganbayan 3rd Division na makapaglagak ng piyansa ang detenidong businesswoman na si Janet Napoles dahilan sa matitinding ebidensiya na nagdidiin dito kaugnay ng kinasasangkutang kasong plunder at graft na may kinalaman sa pork barrel scam.
“Plunder was indeed committed and Napoles played a stellar but perfidious role in this grand conspiracy,” nakasaad sa 249 pahinang desisyon ng Sandiganbayan kaugnay ng bail petition ni Napoles kaugnay ng kanyang kaso sa graft court.
Kapwa akusado rito ni Napoles sina Senador Juan Ponce Enrile, dating chief of staff ni Enrile na si Gigi Reyes at Aide ni Napoles na sina Ronald John Lim at John Raymond de Asis na parehong nagtatago sa batas.
Sinasabing nagsabwatan umano ang mga ito upang makuha ang P172.8 milyong kickback mula taong 2004 hanggang 2012 nang ilagak ang pork barrel ni Enrile sa pekeng NGO ni Napoles.
Ang naturang desisyon ay nilagdaan nina Sandiganbayan 3rd division Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang at Associate Justices Samuel Martires at Sarah Jane Fernandez.