MANILA, Philippines – Isang negosyante at pamangkin nito ang sinampahan ng kasong murder matapos iturong mga utak sa pagpapapatay sa kumare dahil sa utang na P2 milyon at kumpitensya sa negosyo sa Caloocan City.
Ang suspek na pinaghahanap ay kinilalang sina Juanita Dela Cruz, at pamangkin nitong si Teresa Terrazola, kapwa residente ng Block 38, Lot 12, E Phase 3E1, Brgy. 12, ng naturang lungsod.
Ang dalawa ang itinuturong mastermind sa pamamaslang kay Liza De Jesus, 41, ng Block 39 Lot 4 Dagat-Dagatan, Brgy. 12.
Nabatid na naghahanda ng paninda si De Jesus sa kanyang meat stall sa Pusit Alley, Blk. 12C ng naturang barangay nang dumating ang dalawang lalaki at walang kaabog-abog na pinagbabaril ang biktima.
Malubhang nasugatan din sa insidente ang mga tauhan na sina Jimboy Beslote, Digno Yasay at Junel Varquez.
Itinuro ng mister ng nasawi na si Ronnie Garrancias si De Jesus na may motibo sa pamamaslang sa asawa dahil sa utang na aabot sa P2 milyon at kumpitensya nila sa negosyo sa karne at manok.
Bago ito ay isang pagtatalo ang naganap sa pagitan nina De Jesus at Terrazola at naringgan ang huli na katagang: “magsaya ka na, tapos na ang maliligayang araw mo, ipapapatay ka na ni tita Nita”.
Isang saksing si Evelyn Orquilla na nagsabi na bumibili siya ng hotdog sa stall ni Dela Cruz nang may kausapin itong mga lalaki at maringgan niya ito ng katagang, “sinigurado nyo ba na patay na si Liza bago nyo iwan?”
Hindi na makita sina Dela Cruz at Terrazola sa kanilang bahay matapos ang krimen kaya’t sinampahan na ng kaso.