MANILA, Philippines - Sa ikalawang araw na paghahain ng certificate of candidacy ay nadagdagan pa ng walong nuisance candidate na tatakbo sa pagkapangulo.
Sa listahan ng Commission on Elections (Comelec), nadagdag sina Marita Arilla, Cornelio Sadsad Jr., Alfredo Tindugan, Bertrand Winstanley, Romeo John Ygonia, Virgilio Yeban, Benjamin Rivera at Juanito Luna.
Isang magsasaka si Alfredo Tindungan, ng Holy Spirit, QC; at ang kanyang running mate ay si Angelito Baluga, 54, na ipinanganak sa Cagayan Valley ngunit naninirahan sa Quezon City at divine government ang nais nilang manaig sa bansa.
Ang volunteer missionary na si Romeo John Ygonia ay ipinagmalaki na siya ang ‘chosen one’ at pinili raw siya ni Hesu Kristo para maging pangulo ng Pilipinas, ang mundo aniya ay hindi maliligtas kung wala ang Panginoon.
Ngunit sa kabila ng kanyang pahayag ay tinatawag din niya ang kanyang sarili na si “Archangel Lucifer”.
Absolute monarchy naman ang campaign slogan ng nagpakilalang si Marita Arilla, na matapos na maghain ng COC bilang kandidato sa pagka-presidente at pangako na kapag nahalal na Pangulo ay aalisin niya ang lehislasyon dahil ang mandato lamang daw na dapat ipatupad sa bansa ay ang mula sa Panginoon.
Magugunita na sa unang araw ng paghahain ng COC ay umabot sa 22 ang tatakbong pangulo.