MANILA, Philippines – Nababahala na ang kampo ng dalawang mayoralty aspirants laban sa pambato ng Liberal Party sa pagka-alkalde na si Rolando “Andoy” Remulla dahil sa kakaibang karismang taglay nito sa libu-libong botante sa Bacoor City.
Si Andoy Remulla na kasalukuyang Provincial Board Member ng 2nd District sa Sangguniang Panlalawigan ng Cavite ay tinaguriang “Darling ng taumbayan” kung saan nagdesisyong pumalaot sa mayoralty race sa nalalapit na May 2016 national elections.
Nabatid na hinihintay ng libu-libong botante ang nakatakdang paghahain ng certificate of candidacy (COC) ni Andoy Remulla sa itinakdang petsa sa lokal na tanggapan ng Comelec sa bagong Bacoor City Hall sa Molino Blvd.
Nagdesisyon si Andoy na kumandidato dahil sa kahilingan na rin ng libu-libong botante, ilang opisyal ng lokal na pamahalaan ng Bacoor City at kapwa negosyante kung saan maging ang mga kalabang partido-politiko nito ay nagpahayag ng suporta.
“Malakas ang karisma ni Andoy sa mga botante dahil kakaibang tumulong sa mga nangangailangan. Hindi tumitingin kung kalabang partido ka o kakampi basta tutulong nang walang anumang kapalit,” paliwanag ng ilang kalabang partido na nakatanggap ng tulong na tumangging ipabanggit ang pangalan.
Napag-alaman din nasa likod ni Andoy ang ilang mataas na opisyal ng pamahalaang panlalawigan ng Cavite kung saan naging mga adviser nito para tumakbo sa mayoralty race.
Nakahanda na rin ang mga plataporma ni BM Andoy Remulla kasama na ang kanyang vice mayoralty aspirant at mga kandidato sa pagka-councilor.