MANILA, Philippines - Halos hindi na makilala ang 10 preso dahil sa grabeng pagkasunog ng mga mukha at katawan nang masunog ang mga selda sa Eastern Visayas Penal Colony sa Abuyog, Leyte kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Inspector Catalino Landia, hepe ng Abuyog, Leyte Police, kahapon ng umaga nang matagpuan sa magkakaibang lugar ang 10 sunog na bangkay ng mga preso na inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na faulty electrical wiring ang sanhi ng pagsiklab ng apoy sa nasabing penal colony na nagsimula dakong alas-3:45 ng hapon at naapula dakong alas-11:00 ng gabi.
Umaabot sa 1, 256 ang preso sa piitan, subalit sa headcount ay umabot na lang ito sa 1,245.
Dinala na ang mga survivors sa medium security building ng nasabing penal colony na binubuo ng pitong gusali sa buong compound nito.
Isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon ang naganap na sunog.