MANILA, Philippines - Isang hostage-taker ang napatay nang barilin ito ng mga pulis-Maynila matapos na i-hostage ang isang babaeng estudyante sa loob ng bus sa kanto ng Pedro Gil St., at Taft Avenue, Ermita, Maynila kahapon ng hapon.
Inilarawan ang napatay na hostage-taker na nasa pagitan ng edad 30 hanggang 35; nakasuot ng jersey shorts at plain white t-shirt’ nasa 5’5” hanggang 5’7” ang taas, maiksi ang buhok at mistulang bangag sa iligal na droga.
Ang suspek ay idineklarang dead on arrival sa Philippine General Hospital (PGH) dahil sa tatlong tama ng bala sa katawan.
Ang biktima ay kinilalang si Mariel Salvador, 3rd year graphic student ng TUP ay dinala din sa PGH trauma section upang isailalim sa stress debriefing.
Batay sa ulat, bago nangyari ang hostage incident dakong alas-2:20 ng hapon na ang suspek ay sumakay sa HM Transport Bus (TYV-303) sa bahagi ng Lawton.
Nang pumasok sa loob ng bus ay tinutukan ng ballpen ang isang babaeng pasahero na nairita at umalis sa upuan.
Kaya’t lumipat naman sa unahang bahagi ng bus ang suspek at tinutukan naman ang biktimang estudyante ng TUP ng hawak na icepick at pinabubuksan ang bag.
Nagsumbong sa driver na si Mario Olivar ang estudyante at sinabihan umano ang suspek na “Wag ako manong” kaya nagalit umano ang suspek. Inihinto ang bus at naging dahilan ng matensiyong tagpo sa loob ng bus paglagpas sa tapat ng PGH.
Nagtakbuhan ang ilang pasahero sa likuran at binuksan ang bintana upang makaiwas kaya’t ang iba ay nagasgasan sa pagmamadaling makalabas.
Mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng MPD-station 5 at ng Lawton Police Community Precinct (PCP) sa pangunguna ni Sr.Insp. Dionnel Brannon at nang maaninag ng estudyante ang mga pulis ay yumuko ito kaya’t nakasilip ng pagkakataon ang pulis na barilin ang hostage taker.