MANILA, Philippines - Isang Italyanong negosyante na dating misyonaryong pari ang kinidnap matapos pasukin ng pitong kalalakihan ang pag-aaring pizza parlor sa Dipolog City, Zamboanga del Norte kamakalawa ng gabi.
Ang biktima ay kinilalang si Rolando del Torchio, 56, may-ari ng ‘UrChoice Pizza and Bistro Café’ na matatagpuan sa Quezon Avenue, Brgy. Miputak sa lungsod na ito.
Batay sa ulat, bandang alas-7:00 ng gabi nang sumulpot sa lugar ang mga suspek na lulan ng kulay puting van at apat dito ay nagpanggap na kustomer ng pizza parlor habang ang tatlo ay nagsilbing lookout sa labas.
Agad na sinunggaban ng mga kidnaper ang biktima at tinutukan ng baril at kinaladkad pasakay sa isa pang kulay metallic na abo na may kumbinasyon ng itim na L 300 van (TMY 490 ) na tumahak may ilang kilometro patungo sa naghihintay na speedboat sa tabing dagat ng Dipolog Boulevard.
Sinabi naman ni Inspector Dahlan Samuddin, Spokesman ng Police Regional Office (PRO) 9, narekober ang jacket, sunglass at cardboard na pinagkublihan ng mga suspek sa bitbit na mga itong M16 rifles.
Ang biktima ay dating misyonaryong pari ng Vatican’s Pontifical Institute for Foreign Missions (PIME) tubong Angera, Northern Italy na na-ordinahan bilang pari noong 1984. Natalaga ito sa Sibuco, Zamboanga del Norte mula 1988 hanggang 1996 hanggang sa mapunta ito sa Dipolog City kung saan nagtrabaho rin ito sa isang non-governmental organization at nagdesisyong magtayo ng pizza parlor.
Naglunsad na ng search and rescue operations ang tropa ng militar at pulisya upang sagipin ang biktima.