MANILA, Philippines - Dead on the spot ang isang rider ng motorsiklo habang 9 pang rider ang nasugatan matapos na araruhin ng isang oil tanker ang 10 motorsiklo,1 SUV at UV Expresss Van kamakalawa ng gabi sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Quezon City.
Ang nasawi ay kinilalang si Joseph Garcia, 21, may-asawa ng Barangay Commonwealth.
Ang mga nasugatan ay ang mag-amang sina Alvin Bajita, 36, at Aiko, 18; magpinsan na sina Dionisio Quiap,38, at Antonette Quiap, 34; Joe Guillan Monterona, 20, Shyrelle Rizardo, 35; Roselo Ronda Rosales, 37; Quenlor Ronda, 36; at Roselle Baltimor 28; at Vinasoy Fernando, 54.
Kusang sumuko sa otoridad ang driver ng oil tanker (UVC-687) na si Ressel Roy Uyad, 26 na kakasuhan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide and multilple physical injuries at damage to properties.
Batay sa ulat,bago nangyari ang insidente dakong alas-10:30 ng gabi sa eastbound lane ng kahabaan ng Commonwealth Avenue kanto ng Tandang Sora, partikular sa harap ng isang botika galing ang oil tanker sa Nagtahan Depot at maghahatid ng diesel na gagamiting pang aspalto sa bahagi ng Litex nang mawalan ito ng preno.
Dito ay unang binangga ang nakaparadang Honda City (WPF-738) na minamaneho ni Marlon Dimatawaran at UV Express Van (ADA-4498).
Subalit,hindi huminto ang tanker at tuloy-tuloy na inararo ang mga motorsiklo na nasa intersection ng Tandang Sora sanhi para magulungan si Garcia at namatay noon din.
Ang mga nasugatan ay isinugod sa East Avenue Medical Center at sa Far Eastern University (FEU) Hospital.