MANILA, Philippines - Inaasahan ng Commission on Elections ang pagdagsa ng mga kakandidato sa May 2016 elections na magpa-file ng kanilang certificate of candidacy.
Kaya naglatag na ang Comelec ng mga kakailanganin sa paghahain ng COC na gagawin sa susunod na linggo na magsisimula sa Oktubre 12 at magtatapos sa Oktubre 16 para maging organisado.
Sa Comelec main office sa Palacio Del Gobernador sa Intramuros, Maynila maghahain ng kandidatura ang mga tatakbo sa pagka-pangulo, pangalawang pangulo, senador at partylist group.
Makikita sa main office ng Comelec na isang maliit na entablado ang itinatayo sa dulong bahagi ng unang palapag, na designated area ng mga kandidato na magpapaunlak ng panayam sa media sa pagkahain ng COC.
Nilinaw naman ni Bautista na papayagan lamang ang kandidato na magsama ng hanggang tatlong kaibigan, kaanak o endorser sa paghahain ng COC.
Ang mga tagasuporta ng mga kandidato ay mananatili lamang sa labas ng Comelec.