MANILA, Philippines – Aabot sa P1.2 milyong halaga ng ari-arian ang naabo makaraang masunog ang ilang quarters ng Philippine Army sa loob ng headquarters sa Fort Bonifacio, Taguig City kamakalawa ng hapon
Sa ulat ni Col. Benjamin Lao, tagapagsalita ng Phil. Army, nilamon ng apoy ang Enlisted Personnel Quarters - 11 (EPQ - 11) na may 10-pintuang apartment sa loob mismo ng nasabing tanggapan.
Nagsimula ang sunog bandang alas-3:30 ng hapon noong Sabado sa door 7 ni Staff Sgt. Dalusong.
Tatlong fire Trucks ng Philippine Army ang rumesponde habang walong fire trucks naman ng Bureau of Fire Protection sa Taguig City at iba pang fire volunteers ang nagtulung-tulong para maapula ang apoy.
Idineklara ng fire marshal ng Philippine Army na fire-out ang sunog bandang alas-4:40 ng hapon.
Umabot naman sa 10 pamilya ang naapektuhan ng sunog na ngayon ay nagkakanlong sa Enlisted Personnel Transient Quarters.