MANILA, Philippines – Patay ang 4-anyos na nene matapos na aksidenteng mabaril ng kanyang ate habang naglalaro ng baril-barilan sa kanilang bahay sa Pagkabuhayan Street sa Barangay Bagbag, Novaliches sa Quezon City, noong Sabado ng hapon.
Sa ulat ni PO2 Julius Balbuena, naisugod sa Novaliches District Hospital ang biktimang si Jazzmine Jade Boholano bago inilipat sa Quezon City General Hospital kung saan ito namatay bandang alas-5:30 ng hapon.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, naganap ang insidente sa loob mismo ng kanilang bahay kung saan naglalaro ang magkapatid ng baril-barilan.
Nabatid na kinuha ng nakatatandang kapatid na babae ang improvised shotgun ng kanyang lolo kung saan aksidenteng nakalabit nito ang gatilyo na sumapol sa dibdib ng biktima.
Narinig naman ng tiyuhing si Rogelio Tino ang malakas ng putok ng shotgun kaya mabilis na inusisa ang pinagmulan ng putok hanggang sa masalubong ang biktima na hawak ang duguang dibdib.
Samantala, hawak pa ng nakatatandang kapatid na babae ang shotgun na ginamit sa larong baril-barilan.
Gayon pa man, hindi na matagpuan sa crime scene ang shotgun na ginamit.
Dahil nasa ilalim ng Child in Conflict with the Law ang suspek kaya hindi na rin pumayag ang mga magulang na mailagay sa kustodiya ng mga awtoridad ang anak matapos gumawa ng written statement.