Lola natangayan ng P90K ng ‘mag-asawa’

MANILA, Philippines – Mistulang ginamitan ng hipnotismo ang isang 84-anyos na lola ng nagpanggap na mag-asawa kaya’t nagawa niyang makapag-withdraw sa bangko ng nasa P90,000 noong Huwebes ng hapon sa Barangay San Agustin III, Dasmariñas City, Cavite.

Ang biktima ay kinilalang si Andrea Alba biyuda, ng Barangay Paligawan, Silang, Ca­vite.

Ang dalawang suspek na nagpanggap na mag-asawa ay may mga tattoo sa braso at paa, kapwa nakakamiseta, maong pants at lulan ng puting van.

Sa imbestigasyon ay naglalakad ang biktima patungo sa Bayad Center para magbayad ng electric bill malapit sa Silang Wet and Dry Market nang lapitan ng dalawang suspek.

Nagpakilala sa biktima ang dalawa na balikbayan mula sa Canada at  kinamusta ang kanyang anak na nasa Canada.

Nakumbinsi naman ang matanda dahil may ipinadalang regalo ang kanyang anak mula sa nasabing bansa at  nahikayat siyang mag-withdraw sa bangko.

Matapos makapag-withdraw ay muli siyang isinakay sa van at ibinaba sa bisinidad ng Barangay Sampalok IV na kung saan ay doon na siya nahimasmasan at nalaman na kinuha ang kanyang cellphone, gintong singsing, at ang mala­king halaga na kanyang wi­ni-draw sa bangko na aabot sa P90,000.00.

Nirerebisa ng pulisya ang footage ng CCTV camera sa bangko para makilala ang mga suspek.

Show comments