MANILA, Philippines – Nasawi ang 9 pasahero habang lima ang nasugatan kabilang ang tatlong nasa kritikal na kondisyon matapos ang sinasakyan nilang van ay sumalpok sa punong kahoy sa national highway ng Brgy.Upper Patadon, Matalam, North Cotabato, kahapon ng madaling araw.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Nor Asan, 28, residente ng Plang Village, Poblacion, Kabacan; Lyle Rudolf Octaviano, isang Nurse, 28, Aleosan, North Cotabto; Juliet dela Torre Debarusan, 46, ng Boulevard, Davao City; Michael Akmad, 15, ng Simuay, Sultan Kudarat, Maguindanao; Oting Ayob, 46, ng Poblacion, Parang, Maguindanao at Haydee Maaya Gobatan, 55 ng Pigcawayan, North Cotabato habang inaalam ang pangalan ng tatlong iba pa.
Ang mga nasugatan ay kinilalang sina Soledad Echevarria, 55; Abel Debalusan, 33; Eljane Varona at dalawang iba pa.
Base sa report, bago nangyari ang aksidente dakong alas-3:45 ng madaling araw sa kahabaan ng highway ng Brgy. Upper Patadon, Matalam ng lalawigan ay kasalukuyang bumabagtas ang pampasaherong Toyota Hi-Ace van (LHM-995) na sinasakyan ng mga biktima galing Davao City at patungong Cotabato City nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver bunsod upang sumalpok sa malaking punongkahoy sa tabi ng highway ang behikulo.
Sa lakas ng pagkakabangga ay agad binawian ng buhay ang walo sa mga biktima habang si Haydee Gobatan ay nasawi habang ginagamot sa ospital.
Sa pahayag ng konduktor ng van na sugatan din ang driver na si Glendo Singco bagaman hindi naman ito gaanong malubha at tumakas sa takot na maaresto ng pulisya.
Pinaniniwalaan namang nakaidlip ang driver at masyadong mabilis ang takbo ng van na nagbunsod sa malagim na sakuna.