MANILA, Philippines - Kahit na maglalaban-laban sa pagka-bise presidente ang tatlong miyembro ng Nacionalista Party sa 2016 election ay nakahanda umano silang suportahan ng partido.
Ito ang inihayag kahapon ni Senator Cynthia VIllar, asawa ni NP president Manny Villar matapos maghayag kahapon na tatakbo na ring bise presidente si Senator Alan Peter Cayetano.
Bukod kay Cayetano, miyembro rin ng NP si Senator Antonio Trillanes IV na nagdeklara na ring kakandidato sa pagka-bise presidente at si Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos na nagpahiwatig na ring magdedeklara sa tamang panahon.
Sinabi ni Villar na tutulungan nila ang tatlong senador sa usapin ng pagbibigay ng pondo pero wala sinuman sa kanilang ang itataas pa ang kamay.
“Eh di tutulungan nalang natin silang lahat. How can you choose from these three? Lahat sila ay miyembro namin at tutulungan namin,” pahayag ni Villar.
Inihayag din ni Villar na kapwa matatapang ang kanilang mga miyembro na katangian umano ng partido.
Bibigyang laya rin umano ng partido ang kanilang mga miyembro na magpasya kung sino sa tatlong kakandidato sa pagka-bise presidente ang gusto nilang suportahan.