Pulis Caloocan itinumba ng tandem

MANILA, Philippines - Isang beteranong pulis-Caloocan ang nasawi nang ito ay pagbabarilin ng dalawang lalaki na magkaangkas sa isang motorsiklo kahapon ng umaga sa naturang lungsod.

Ang nasawi ay kinilalang si SPO1 Rodrigo Antonio, nakatalaga sa Caloocan Police Community Precinct 1 at residente ng Pangako Street, Brgy. 149 Bagong Barrio, ng naturang lungsod.

Sa inisyal na ulat, bago nangyari ang pag-ambush sa biktima dakong alas- 9:00 ng sa Pangako Street ay papasok na ito sa trabaho sakay ng motorsiklo nang makasalubong at harangin ng dalawang salarin na lulan din ng motorsiklo.

Hindi na nakaporma si Antonio nang maunahan siyang barilin ng mga suspek na mabilis na nakatakas matapos ang pamamaril.

Nabatid na dating nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa NPD si Antonio bago napunta sa  Caloocan Police nitong Agosto 31.

Show comments