Ex-solon ipinapaaresto ng QCRTC

Arquiza

MANILA, Philippines – Naglabas ng warrant of arrest ang ng Quezon City Regional Trial Court laban kay dating Senior Citizens Party-List representative Godofredo V. Arquiza kaugnay sa kasong libelo sa korte.

Sa warrant of arrest na inisyu ni QC RTC Branch 224 Judge Tita Marilyn Payoyo-Villordon nitong Setyembre 14, 2015, iniutos niya sa Philippine National Police, National Bureau of Investigation at lahat ng istasyon ng pulisya sa lungsod na arestuhin si Arquiza na iniulat na nagpapakilala pa ring miyembro ng Kongreso kahit hindi iprinoklama ng Commission on Elections noong 2013 elections.

Ipinadadakip si Arquiza na residente ng Hobart Subd. Fairview, Quezon City kaugnay ng kasong libelo na nakatalang criminal case number R-QZN-15-0800-CR na People of the Philippines vs Godofredo Arquiza na inisyu at nilagdaan ni Branch Clerk of Court Atty. Arnaldo Mendieta.

Nabatid na dalawang terminong naging kinatawan ng Senior Citizens si Arquiza, pero wala itong naipasang kahit isang batas para sa mahigit walong milyong nakatatanda sa bansa at may mga kaso pa sa Ombudsman  sa maling paggamit ng kanyang pork barrel sa pamamagitan ng ghost projects.

Show comments