Sa shabu buy bust operation... Anak ni Jaworski sugatan sa shootout

Anak ni Jaworski sugatan sa shootout

MANILA, Philippines – Nasugatan ang isang anak ni PBA basketball living legend at dating Senador Robert Jaworski nang ito ay  makipagbarilan sa mga pulis sa isang buy bust operation  kahapon ng madaling araw sa Makati City.

Ang suspek na ginagamot ngayon sa Makati Medical Center dahil sa tama ng bala sa kanang hita ay kinilalang si Ryan Joseph Jaworski, 40, may asawa, nakatira sa #27 Manansala St., Corin­thian Garden, Quezon City.

Habang naaresto naman ang kasama nitong si Joselito Au, 52, residente ng Lot 1, Block 6, V. Soliven, Green Park, Cainta, Rizal.

Batay sa imbestigasyon, bago nangyari ang shootout dakong alas-12:40 ng madaling araw sa panulukan ng Chino Roces Avenue at Arnaiz Avenue, Barangay Pio Del Pilar ay nakatanggap ng report ang pulisya hinggil sa illegal na gawain ng mga suspek.

Kaya isinagawa ang surveillance operation at nang magpositibo ay naglunsad ng isang buy-bust operation ang Regional Police Intelligence Operation Unit (RPIOU) ng National Capital Regional Police (NCRPO).

Natunugan  ng batang Jaworski at Au na aarestuhin sila ng mga otoridad habang sakay ng  Nissan Sentra kaya’t pinaputukan umano nila ang mga pulis.

Gumanti ng putok ang mga pulis at tinamaan sa hita si Jaworksi habang si Au ay naaresto na kung saan ay nasamsam sa mga ito ang isang shot gun riffle, 19 pirasong bala ng M-16 riffle, 14 bala ng 9mm at 2 piraso ng bala ng caliber .40.

Bantay-sarado ng mga pulis ang batang  Jawors­ki sa ospital na dati na ring nasangkot sa droga.

Show comments