Mag-asawa dinedo sa harap ng simbahan

MANILA, Philippines – Magkasunod na napatay ang mag-asawa makaraang pagbabarilin ng nakaalitan sa lupa sa harap ng simbahan sa bayan ng Urbiztondo, Pangasinan kahapon ng umaga.

Sa ulat ni P/Chief Insp. Wilfredo Cabana­yan, hepe ng Urbiztondo PNP na isinumite sa Camp Crame, kinilala ang mga biktima na sina Arturo at Delia Pinto ng Barangay Malayo sa nasabing bayan.

Natukoy naman ang suspek na si Tyron Velasquez na agad nasakote sa inilatag na operasyon ng pulisya.

Naganap ang krimen bandang alas-7 ng umaga habang sakay ng traysikel ang mag-asawa kung saan pagbaba ni Arturo ay big­la na lamang pinagbabarilin ng suspek.

Gayon pa man, nagtatakbo papalayo ang babae subalit hinabol at pinutukan ng suspek.

Nabatid na patungo sana sa simbahan ang asawa nang makasalubong si kamatayan kung saan namatay ang babae habang isinusugod sa ospital.

Bago mamatay ang babae ay tinukoy nito ang pagkakakilanlan ng suspek kaya nasakote sa Barangay Dalanguiring.

Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon na away sa lupa ang ugat sa naganap na pamamaril.

Show comments