Pinagtataga habang nagpapahinga... away pamilya: Mag-amo tinodas

MANILA, Philippines - Namatay ang isang negosyante at driver nito habang nasa kritikal ang misis ng una matapos na sila ay pagtatagain ng pamangkin dahil sa away pamilya naganap kahapon ng madaling araw sa Taguig City.

Namatay agad si Nestor Juan, 47, negosyante, ng  Barangay Central Signal ng natu­rang lungsod, habang ang driver nitong si Michael Bagares, 33 ay namatay habang ginagamot sa ospital at ang misis ng una na si Jocelyn, 37 ay malubhang nasugatan matapos sila ay magtamo ng mga taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Agad naaresto ang suspek na pamangkin ni Nestor na si Raymart Cabacang, 21, ng  Barangay South Signal ng naturang lungsod.

Batay sa ulat, dakong alas-3:15 ng madaling araw ay nagpapahinga ang mga biktima sa  kanilang tindahan sa Purok 14, Damayan Area, Zone 3 nang  bigla na lamang dumating ang suspek na armado ng jungle bolo at walang salitang pinagtataga ang mga biktima.

Nabatid na may sama ng loob ang suspek sa mag-asawang Juan sa hindi pa malamang kadahilanan kaya’t pinagtataga ang mga ito at nadamay lang si Bagares nang tangka nitong umawat.

Show comments